Maniwala ka! Niloloko kita!

Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sayong, sa mundo, may dalawang klase ng tao: Manloloko at Naloloko. Saan ka nabibilang? Makakapili ka ba?

Kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at patuloy na pag-init ng panahon ay ang nakakabahalang pagdami ng bilang ng mga taong manloloko. 1:5 na ngayon ang labanan, sa madaling salita, sa bawat isang manloloko, may 5 siyang nabibiktima, yun ang ang mga naloloko.Ngunit maraming naguguluhan kung paano ba nalalaman kung sino ang nanloko at kung sino ang naloko. At ano nga ba ang panloloko? Kung sino yung mukhang kawawa, siya yung naloko? Hindi rin. Marami nang magaling umarte ngayon, kaya mag-ingat ka! Kung minsan pa nga'y yung nanloko pa ang may ganang magalit na tila siya ang biktima, isa itong kakapalan ng mukha.

Karamihan sa mga naloko, pumapatay...pumapatay ng oras, nananaksak...nananaksak ng panibagong karunungan sa kanilang isipan, at naglilibing...naglilibing ng buhay na ala-ala ng kahapon. Sila yung mahirap suyuin kaya huwag kang magdadalawang isip na lokohin sila kung gusto mo pang mabuhay ang magagandang ala-ala ninyo.

Sa kabilang dako, may mangilan-ngilan din naman na mabait na biktima ng panloloko. Sila yung nagpapatawad sa mga manloloko pero hindi na nila hahayaang maloko ulit. Nagpatawad sila ngunit hindi nila kayang kalimutan ang ginawang panloloko sa kanila.

Isang simpleng halimbawa para ipakita ang epekto ng panloloko: Kahit gaano ka pa katapang sa kahit na anong bagay, kapag nakagat ka na nang aso, malaki ang posibilidad na matakot ka na sa aso. Traumatic. Gaya lang yan ng panloloko. Kaya para sa mga manloloko, huwag kayong magtaka kung bakit hindi na kayo kayang paniwalaan ng mga naloko ninyo. Traumatic kasi kayo. Isang karanasang nagbigay ng malaking sugat sa kanila. Kaya salamat ah? Salamat sa lamat.

Dahil sa mga taong manloloko, marami ang nasawi dahil sa pag-ibig. Devastated. Wasak. Tulala. Napa-isip tuloy ako. May kunsensya kaya ang mga manloloko? Nagsisisi kaya sila habang nakahiga sa higaan bago matulog? naiisip kaya nila ang nagawa nilang kasalanan? Ewan.

Yung iba namang naloko, sinisi ang tadhana sa tadhanang kanilang naranasan. "Bakit ikaw pa ang minahal ko?! Tadhana nga naman..." karaniwang bigkas ng mga naloko. Ewan ko ba, pero binigyan ka ng freewill at sarili mo na ring choice ang mga nangyayari sa buhay mo. Minsan ikaw rin naman ang dahilan kung bakit ka naloloko, kasi nagpapaloko ka! Kaya 'wag mong sisihin ang walang kamalay-malay na tadhana sa katangahan mo. (peace!!! )

Ngayon, magpapaloko ka pa ba sa dumaraming bilang ng mga manloloko sa paligid? Huwag na! Hindi rin naman sila aamin naniloloko ka nila, ang awkward kasing sabihin na "Maniwala ka! Niloloko kita!" Kaya para sa mga nasawi ng pag-ibig, nasaktan ng tadhana, at naloko ng pagkakataon, bumangon ka! At ipakita mong hindi ka na nila malilinlang. Hayaan na lang natin ang mga manloloko sa kapaligiran para mapanatili natin ang balanse sa ecosystem.

PS. Maliban sa sinabi ni Pareng Bob Ong, nabanggit ng 35 beses ang salitang LOKO sa entry ko na ito. Maniwala ka! Hindi kita niloloko! :)

Comments

Popular Posts