Isang Ordinaryong Kwento ng Pag-ibig

Madilim. Mainit. Masikip.

Hindi ko alam kung nasaan ako. Kung ano ang nangyari sa akin.

Ano ito? Masakit. Sobrang sakit ang nararamdaman ko. Ah! Naaalala ko na. Naaalala ko na ang nangyari sa akin. Ang malupit na nangyari sa akin. Nasaktan ako dahil sa sobrang pag-ibig.

Masaya akong kasama ang aking pamilya dati. Mapagmahal ang aking mga magulang at mga kapatid. Ang pamilya namin ay may puso, puso na talagang bubusugin ka sa pagmamahal.

Isang nilalang ang dumating sa aking buhay. Bata pa lamang ako ay gusto ko na siya, at siya rin ay tila gusto ako. Lagi niya akong pinupuntahan para bisitahin. Itinuturing niya akong isang magandang bulalaklak na namumukadkad sa kanyang paningin. "Kapag handa ka na, pipitasin na kita at aangkinin...", iyan ang lagi kong naririnig sa kanya. Isang pangakong aking pinanghawakan kahit tutol ang aking mga magulang.

"Hindi mo alam ang ginagawa mo! Wala kang utak! Pu...", yan ang laging sinasabi sa akin ng aking ina, hindi ko siya pinakikinggan, basta ang alam ko, nagmamahal ako.

Dumating ang panahon na handa na ako. Kinuha na niya ako. Labag man sa loob ng aking ina, wala siyang nagawa. Nanatili siyang nakatayo habang pinagmamasdan ang aking pag-alis....kasama ang aking mahal.

Mabilis ang pangyayari. Buong akala ko'y hindi na magtatapos ang aking kasiyahan habang kasama ko siya, ngunit mali ako. Malupit siya. Napakalupit. Inihagis niya ako sa hapagkainan. Masakit. Para akong binugbog. Ilang oras lang ang nakalipas, kahit puro pasa ang aking katawan, hinubaran niya ako. Malupit siya. Malupit siya. Malupit siya.

Bigla kong naalala ang sinabi ng aking ina, "Hindi mo alam ang ginagawa mo! Wala kang utak! Puso lang ang meron ka!" Tama siya, puso lang ang meron ako...puso lang.

Huli na nang malaman kong ako'y isang saging...Isang saging na tanging puso lang ang meron. Walang utak. Nabulag ng sobrang pag-ibig. Nasaktan. Nalamog. Nadurog. Ito pala talaga ang aking tadhana at ito'y isa lamang ordinaryong kwento ng pag-ibig na naranasan din ng iba pang kapwa ko saging na ngayo'y nasa malaking tiyan na ng mapagsamantalang nilalang kasama ang iba pang pagkain na kanyang kinain. 

Madilim. Mainit. Masikip. 

Comments

Post a Comment

Popular Posts