A Helping Hand
Tanghaling tapat. Nakabilad ang mga ulo namin sa matindi at nakakapasong sinag ng haring araw. Isang masayang paglangoy sa malamig na tubig ng isang pampublikong paliguan ang inaasahan naming mangyari sa araw na yon.
Kasama ang ilan sa mga kaklase ko nung high school, nagtungo kami sa isang resort sa malapit upang magsaya at magkwentuhan ang matagal ng hindi nakakapagkita-kita. Masaya ang lahat sa bawat kwentuhang nagaganap sa mahirap ngunit masayang buhay kolehiyo at sa mga pangyayari noon na pilit binabalikan ng ala-ala na totoong nakakapagpangiti at nakakapagtawa sa amin. Isang kainang salo-salo sa isang papel na plato, isang halakhakan sa bawat bitiw ng salita, isang samahang hindi mabubuwag ng panahon.
Sa araw ding ito, may mga pangyayaring hindi inaasahan na darating sa masayang araw ng pagkakaibigan. May insidenteng naganap, isang batang nagtatampisaw sa malalim na bahagi ng paliguan. Nakita namin ang pagtalon niya sa tubig. Nangamba kami para sa kanya. Dahil sa mga boses ng mga kaibigan kong nagsasabing puntahan at tingnan ang tunay na nangyayari sa bata, nilapitan ko siya na dala ang paghihinalang naglalaro lang ang bata at dala ko rin ang kabang baka nilalamon na siya ng tubig na nagdadala ng saya sa katulad niyang musmos.
Mapanglaw ang araw, biglang naglaho lahat ng nasa isip ko. Blanko. Wala ako sa sarili matapos kong abutin ang kamay upang iahon sa malinaw na tubig ang batang nangangailangan ng tulong na noon ay hindi na magawang gumalaw dahil sa nangyari sa kanya. Hinding hindi ko makakalimutan ang buong katawan nyang nakalubog sa tubig, ang mukha nyang tila pagod at mga matang nanlilisik na tila takot na takot sa nangyayari sa kanya. Nabigla ako, naunahan ng kaba at hindi na makapagisip dahil sa pagtatagpo ng aming mga mata, nabatid ko ang paghihirap niya, para bang nahingi siya ng tulong ngunit hindi mabigkas ng kanyang bibig. Nasa akin ang takot at pangamba. Bilang bumilis ang paggalaw ng mga bagay sa paligid ko. Ang paglangoy ng mga bata, ang yabag ng mga paa na papalapit sa amin, ang mga salitang nanggagaling sa mga taong nakapaligid, ang oras. Ni hindi ko man lang naramdaman ang bigat niya matapos ko siyang buhatin at iahon sa tubig.
Patawad. Patawad dahil sa bawat hakbang ko papalapit sa batang yon ay dala ko pa ang pagdududa sa kanya. Patawad dahil hindi ko agad iniabot ang aking kamay para iligtas siya. Patawad dahil kinailangan pang mangyari sa kanya yung ganung sitwasyon at maramdaman ang matinding takot. Sana kumaripas na lang ako ng takbo nung makita ko siya, sana mas maaga kong naiabot ang kamay ko sa kanya, sana yon yung panahon na kaya pa nyang ibuka ang palad nya upang ihawak sa kamay ko, sana hindi lang pag-ungol ang narinig kong lumalabas sa kanyang bibig, sana narinig ko ang mala-anghel nyang boses nagpapasalamat sa akin, sana nakita ko siyang masigla at tumatawa, sana naitanong ko kahit ang pangalan man lang niya, sana nagsalita ako at hindi nagpadala sa takot. Mga bagay na umuusig sa aking konsensya pag-iisip kahit na nailigtas ko na ang kanyang buhay. Awa pa rin para sa bata ang aking nadarama, awa sa naranasan niyang paghihirap.
Ngunit sa kabila ng lahat ng yan, Salamat. Salamat dahil ligtas siya. Salamat dahil hindi siya pinabayaan ng Panginoon. Salamat dahil nabigyan pang ng pagkakataong masaksihan ng batang yon ang mga magagandang bagay sa mundo. Salamat dahil hindi ako hinayaan ng Diyos na mahuli sa pag-abot ng aking mga kamay. Salamat dahil ginawa niya akong instrumento ng pagliligtas. Salamat dahil maraming tao ang natuto sa pangyayari. Salamat dahil may isang musmos pang nadugtungan ang buhay.
Napakasarap pakinggan ng isang pasasalamat mula sa mga taong natulungan natin. Para sa akin, sapat na ang malaman kong ligtas at ayos na ang batang yon para maging masaya ako at mapawi ang pag-aalala sa aking isipan.
Sabi ng isa kong kaibigan, "Walang nagkataon, walang hindi sinasadya, lahat ng bagay may dahilan, lahat ng bagay ay nasa tamang oras para mangyari."
Ngayon, napatunayan kong hindi kailangan ng kahit anong super powers para makapagligtas o makatulong sa tao, minsan sapat na ang pagiging maaalahanin, ang pananalig sa Diyos at tiwala sa sarili, at pagiging handang iabot ang mga kamay mo para sa nangangailangan, para maging isa kang superhero.
(4/14/12)
We're very proud of u my uncle
ReplyDeleteFOR US YOU'RE REALLY A SUPERHERO
(PS. KEEP IT UP)