Laruan
Maraming bata sa mundo ang naglalaro kasama ang mga kaibigan nila. Naglalaro sa labas at nakikipagtakbuhan sa masayang mundo ng pagkabata.
Baliktanaw sa nakaraan, noong bata ako, mga laruan ang madalas kong kausap at kasama. Malaki ang agwat ng edad sa akin ng mga kapatid ko kung kaya't hindi ko sila madalas nakakasama at hindi ko man lang sila nakalaro, nakasabay sa pagtakbo, sa pagsipa ng bola, sa pagdu-dub ng mga laruan at sa pagkakalas ng mga parte ng robot ko. Sa mga tau-tauhan kong laruan sinasabi lahat ng mga problema, sama ng loob, at hinaing ko bilang isang bata. Nakasanayan ko na yan, kaya hanggang paglaki ko eh hindi ako nagsasabi ng kahit na anong problema sa mga kaibigan o kapatid ko. Sinasarili ko na lang, kaya ko naman eh. Pero minsan nahihirapan na ako, naiisip ko, ang ikli lang ng buhay, sayang naman kung hindi ko maibabahagi sa mga taong nasa paligid ko ang mga pangyayari sa buhay ko.
Pero syempre, may mga bagay na dapat sa akin na lang, mga bagay na hindi na dapat pang malaman ng iba. Kahit na sinasabi nilang masyado akong masikreto, ayos lang, ang mahalaga ay nakakayanan kong lampsan ang mga problemang dumadaan sa buhay ko ng mag-isa, at kung sakaling hindi ko na kaya, alam kong handa naman silang tumulong sa akin gaya ng pagiging handa kong tumulong sa kanila ano mang oras. At ngayong malaki na ako, hindi ko na kailangan nga mga laruan na makakausap, kailangan ko na talaga ng mga kaibigang makaka-agapay sa kahit na anong sitwasyon.
Ang mahalaga ngayon para sa akin ay ang malampasan ko lahat-lahat ng problemang daraan pa sa simple kong buhay na kasama si God sa bawat hakbang ko.
Para naman sa mga laruan na dati kong nakaramay sa lahat ng problema ko, salamat. :D
Comments
Post a Comment